top of page

Sabi ni Lalaki

UP Diliman College of Engineering – bibihira kang makakakita ng estudyante na hindi kasapi ng kahit anong student organization, mapa-college o university wide man yan. Ito ang masasabi kong kauna-unahang pagkakapareho namin at ito rin ang dahilan kung bakit ko siya nakilala.

 

OPM – pareho kaming mahilig sa ganitong uri ng musika at dahil sa paghiram ko ng mga CD sa kanya, nagkaroon ng pagkakataon na magkakilanlan kami lalo. Sem break noon at sa tuwing papakinggan ko ang mga hiniram ko, siya ang naiisip ko at kinakantahan niya ako. Sa mga panahon ding iyon, magkatext rin kami nang puyatan. Ang gamit ko pa noon ay 5110i at 3210 naman sa kanya. Napagtanto ko rin noon na nahuhulog na ata ako sa kanya at umasa ako na sana meron rin siya kahit konting ganoong pakiramdam para sa akin. Bago matapos ang bakasyon na iyon, nagpasya akong kausapin siya sa enrolment ng second semester.

 

Konserbatibo – ito ang unang impresyon ko sa kanya. Iba pala talaga yung personal mo na siyang kausap at hindi sa text lang. Mahirap manligaw pero buti na lang mabait at palakaibigan talaga siya kaya kahit paano lumaki ang pag-asa at lalo ko kinapalan ang mukha ko. Dahil rin sa mga ito naging natural ang paglago ng pagmamahal ko sa kanya at isang gabi naitanong ko sa kanya sa text “pwede bang tart na lang tawag ko sayo?”. Sumagot siya “Bakit? Dahil ba jumbled letters yan ng pangalan ko (ARTT)?” at sabi ko “oo, parang ganun”. Pumayag naman siya. Nagpatuloy ang aming pagkakaibigan. Hanggang sa tinanong ko siya ng “Pwede bang sweetheart na lang ang ibig sabihin ng tart”? Hindi na siya sumagot pagkatapos noon.

 

Naniniwala ako na “one and only” ang “sweetheart”.

 

Kinabukasan, kinausap niya ako para ipaliwanag na gusto sana niya makita muna ako ng mga magulang niya. Gusto rin pala niya ako pero mas maganda may basbas ng mga mahal niya sa buhay. Seryoso kami pareho at wala akong nakikitang masama sa paghihintay basta nasa isip ko may pagkakaintindihan na kami. Marami kaming masasayang alaala sa UPD.

 

Enero 8, 2007 – naging opisyal na ang aming relasyon. Halos lagi kami magkasama sa mga sumunod na araw. Dinagdagan pa namin ang aming mga alaala sa UPD at napalapit rin ako lalo sa Diyos dahil sa kanya. Siya ang naging “inspiration” ko sa aking pag-aaral at pagpupursigeng makatapos. Mahirap kasi naging abala kami sa aming kurso at kanya kanyang student organizations hanggang sa ako ay nakapagtapos at panahon na para ako ay magtrabaho.

 

Abril 2008 - Ito ang unang pagkakataon na kami ay matatawag kong nasa isang “long distance relationship” kasi sabado o linggo lang kami nagkikita at halos minsan na lamang. Lalo kaming naging abala, siya sa pag-aaral niya at ako naman sa trabaho. Napagtiisan at napagtiyagaan namin iyon. Pagtitiwala at komunikasyon ang naging puhunan namin ng mga panahong iyon.

Nang sumunod na taon, dumagdag na rin siya sa listahan ng mga nakapagtapos at nagtrabaho na rin siya. Naging regular na ang aming pagkikita tuwing sabado at linggo kaya kahit paano ay may time na kaming bawiin ang mga panahon na minsan lang kami magkita. Madalas kaming manood ng sine, kumain sa iba’t ibang kainan at mag-videoke kapag nagkikita. May mga paminsanang lakad rin kasama ang mga kaibigan namin at katrabaho. Marami akong “first time” kasama siya. Unang pagkakataon ko makasakay ng eroplano noong pumunta kami ng Bicol.

 

Pebrero 2012 - Nagkaroon siya ng pagkakataon na makapunta ng ibang bansa at hindi ako humadlang kasi pumayag naman ang mga magulang niya. Sino ba naman ako? Saka akala ko madali lang kasi 548 araw lang naman saka dahil sa teknolohiya hindi na mahirap ang komunikasyon. Kaya lang sobrang nangulila ako sa kanya. Iba pa rin kung nandito lang siya at kahit anong oras pwede kami magkita. Napag-isipan ko sa mga panahong iyon kung kaya ko na ba at yayain ko na siya pagbalik niya ng Pinas.

Wala silang trabaho ng dalawang linggo kaya umuwi siya dito para sa Pasko at Bagong Taon. May lakad kami kasama sina Tofil at Ann na nakasama rin namin noong pumunta rin kami ng Bohol, pero sa pagkakataong iyon, sa Coron kami namasyal. Tinanong ko siya at sinagot rin niya ako ng tanong, hinihintay na pala niya. Pareho kami ng nararamdaman at kahit alam namin na aalis ulit siya pagkatapos ng Bagong Taon, nagpasya kaming maghanda sa loob ng isang taon.

 

Enero 3, 2014 – ito ang petsa ng pagbubukas ng pinto sa harap namin patungo sa susunod na yugto ng buhay naming dalawa. Mahal na mahal ko siya at gusto ko na siya makasama lagi.

Sabi ni Babae

ISANG TANONG -- Nagsimula ang lahat nang tingnan ko ang final grade ko sa CS12, isang programming subject, sa Netopia noong sembreak 2005. Pagsilip ko sa monitor bumulantang sa akin ang kinatatakutang grade na “5”. Hindi ako makapaniwala. Sa isip ko, nagpasa naman ako ng lahat ng requirements. Pumasa naman ako sa ibang exams. Bakit? Bakit?! BAKIT?!?!

 

Biglang tumunog si Pig (cellphone). May bumati sa akin bilang kakabirthday ko lang noong mga panahong iyon. Hindi ko alam ang numero pero sabi niya siya raw si Oli. Sa isip ko, aba! Himala at binati niya ako. Hindi naman kami close kahit na kasabay ko siya mag-apply sa org (si Doodz talaga ang ka-close niya).  Yun pala, nakita niya ang CD collection ko ng mga OPM bands noong nagpunta siya sa apartment kasama si Doodz at pwede raw bang mahiram habang sembreak. Dahil sa malungkot ako noong mga panahong iyon, kinwento ko muna sa kanya na bumagsak ako at nalulungkot ako at nagpasalamat sa pagbati. Saka ko sinabi na ibibigay ko na lang kinabukasan dahil kakausapin ko rin naman si Prof.

 

Kinabukasan, pumayag si Prof na magremove na lang ako. Bumalik ako sa apartment para kunin yung CDs. Nagulat ako na wala sa apartment dahil kinuha na pala niya nung una niya itong nakita. O_O Gusto lang daw niya na makita ko yung mismong CDs; inventory kumbaga (grabe hindi pa nga ako pumapayag kinuha na agad!). At dahil pauwi na rin naman ako, sabay na kaming bumiyahe. Iyon ang una naming MRT ride na magkasama. Nagulat ako dahil akala ko hindi ko siya makakasundo. Pero noong biyaheng iyon, marami kaming napag-usapan at napalagay ang loob ko sa kanya.

 

Noong sembreak na iyon, marami kaming napag-usapan - mga kantang nasa CDs ko, Eraserheads at pagbackmask ng tapes nila, anong binabasa kong libro, atbp. Bilang sabik ako sa kausap, naging mas masaya ang sembreak na iyon para sa akin. Isang araw, tinanong niya ko kung pwede daw niya ako tawaging “tart”. Sabi ko bakit tart? Naisip ko siyempre una, pagkain. Bigla kong naisip na rearranged letters siya ng initials ko na ARTT. Siyempre pumayag na ako. At bilang ganti, tinawag ko siyang Oli dear dahil sa binabasa kong libro. Isang tanda na pinapapasok ko na siya sa aking mundo ang pagbigay ko sa kanya ng bansag na ito.

 

Lumipas ang mga araw at buwan. Palagi pa rin kami magkausap (madalas sa text). Isang beses, tinanong niya ako kung pwede bang “sweetheart” na lang daw ang ibig sabihin ng tart. Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Nag-isip. Oo gusto ko siya KASO baka hindi pa ako pwede. Sinubukan kong magpaalam pero hindi pa daw napapanahon. Kaya sinabi ko sa kanya na maghintay kami kahit na labag iyon sa kalooban ko (siyempre sinabi ko sa kanya na gusto ko rin siya). :P

 

Matapos ang bagong taon ng 2007, nabasa ko ang librong “The Kitchen God’s Wife” ni Amy Tan. Sa librong ito, may isang tauhan na naging masaya dahil kasama niya ang mahal niya at kinakantahan pa niya ng “You are my sunshine, my only sunshine. You make me happy, when skies are grey”. Naiyak ako. Hindi ko alam kung bakit. Kinabukasan, nang umupo ako sa mesa para mag-agahan, mugto ang aking mga mata. Tinanong nila bakit ako  umiyak. Hindi ko alam pero ang nasabi ko kay Daddy, “ayaw mo kasi akong payagan” sabay umiyak na naman. At dahil siguro ayaw ni Daddy maging malungkot ako, pumayag na siya. Pakiramdam ko, may malaking pasan akong nawala.

 

Kaya sa sumunod na pagkakataong nagtanong ang makulit na Oli kung pwede bang maging kami na, binigay ko na ang aking “oo”. Sa wakas! 

 

ISANG SAGOT -- Noong nakaraang taon, nagpunta kami sa Coron kasama ang aming adventure buddies bilang bonding na rin. Sampung buwan din kaming hindi nagkita dahil sa pag-alis ko ng bansa. Sa totoo lang, may ideya na ako noon dahil marami naman siyang pahiwatig bago ako umuwi - mga “humanda ka pag-uwi mo, etc.” At bilang "feeler" ako, sa tuwing may moment kami, kinakabahan ako.

 

Isang hapon, habang naghahanda kami para sa hapunan, lumuhod siya sa tabi ko na parang nagdadasal na bata sabay tanong ng “Pwede ko bang palitan ang apelyido mo?” Hindi ako nakasagot kaagad. Ang nasabi ko lang, “Kailan?” Marami akong tinanong na sinagot naman niya hanggang sa naghapunan na kami. Siguro, mas gumana ang utak ko noon. Kasi napag-isip ako kaagad kung anong mga susunod na hakbang ang kailangang gawin. Matapos ang hapunan, binulong niya sakin na hindi pa daw ako sumasagot. Kinabahan yata siya kaya sabi ko “oo”. Oo. Kahit na minsan immature ako, pakiramdam ko handa na ako. Maikli lang ang buhay. Gusto ko naman na makasama ko siya bago umakyat sa langit. :)


WALA NA NGANG IKOT-IKOT -- Hindi man kami nagkasama matapos ang pagsagot ko ng “oo”, magkasama naming pinaghahandaan ang ika-tatlo ng Enero sa susunod na taon. Isang bagong yugto ng aming mga buhay ang magsisimula. Nakakatakot na nakakanerbyos na nakakasabik.

 

*Isang Tanong, Isang Sagot - Donna Cruz

© 2013 by Zsaolin. All rights reserved.    

Molino, Cavite, Pilipinas

  • Pinterest Classic
  • Instagram Classic
bottom of page